Piping Tungkulin
Isa sa mga katangian ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang pagiging masigasig at madiskarte sa gitna ng anumang hamon ng buhay. Sa kabila ng matinding kahirapan at mga pagsubok, nananatili silang malakas at hindi natitinag.
Katulad na lamang ng mga utility staff sa Isabela State University – City of Ilagan Campus (ISU-I), na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa hamon ng kakarampot na kita, ginagawa ang lahat ng makakaya upang mairaos at maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Madalas man ay hindi sila napapansin, malaki pa rin ang papel na ginagampanan nila sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na komunidad ng pamantasan.
Sa Likod ng Walis
Bagamat hindi palaging nakatampok sa mata ng nakararami, mayroong isang natatanging presensya si Victor Pacano Ancheta, 57, isang utility staff sa kampus. Ang kanyang pagiging tahimik ay agad mapapansin, ngunit higit pa rito, ang kanyang dedikasyon sa kanyang trabaho ay siyang tunay na nagtatangi sa kanya.
Madalas siyang makita sa dakong lugar ng College of Education, bitbit ang kanyang mga kagamitang panlinis: walis, mop, at dustpan. Sa bawat hakbang, bakas ang kanyang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng buong paligid at loob ng gusali. Hindi alintana ang init ng araw o pagod, patuloy siyang naglilingkod nang may ngiti at malasakit.
Ayon kay Kuya Victor, masaya siya sa kanyang ginagawa dahil sa maayos na trato sa kanya ng mga kawani sa kampus, pati na rin ng mga mag-aaral. Ang kanilang respeto at pagpapahalaga sa kanya ay nagsisilbing lakas na nagpapatibay sa kanyang serbisyo. Bagamat hindi laging madali ang buhay, ang positibong ugnayan na mayroon siya sa mga tao sa kanyang paligid ay nagbibigay sa kanya ng kasiyahan at pag-asa.
Gayunpaman, sa likod nito, si Kuya Victor ay isang asawa at ama sa apat na magkakapatid. Dalawa sa kanyang mga anak ay kasalukuyang nag-aaral at kumukuha ng kursong Bachelor of Science (BS) in Information Technology sa ISU-I, habang ang isa naman ay nasa ikasiyam na baitang sa Isabela National High School.
Kahit na maliit lamang ang kanyang kita sa pagiging isang utility staff, nagagawa niya pa ring matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Bukod dito, hindi rin siya nag-iisa sa pagpapaaral ng kanyang mga anak. Sa pamamagitan ng mga ‘sidelines’ na ginagawa ng kanyang anak na nasa kolehiyo, nakakatulong siya upang masuportahan ang kanyang pag-aaral.
Naikwento rin ni Kuya Victor ang isang matinding pagsubok na hinding-hindi niya malilimutan. Tandang-tanda pa niya ang malawakang pagbaha taong 2020 na nagpalubog sa kanilang bahay sa Brgy. Santo Tomas, Lungsod ng Ilagan, Isabela. Nang palubugin nito ang kanilang tahanan, ang bubong na lamang ng kanilang bahay ang naging ligtas na kanlungan ng kanyang pamilya. Dahil dito, naranasan nila ng kanyang pamilya na matulog sa bubong nang isang gabi habang bumubuhos ang malakas na ulan.
Sa kabila ng matinding takot at hirap na dulot ng kalamidad, ipinakita ni Kuya Victor ang kanyang tapang at pagiging matatag upang pangalagaan ang kanyang pamilya. Ang kalamidad na iyon ay nagdulot ng matinding pagsubok sa kanilang buhay, ngunit tulad ng kung paano niya pangasiwaan ang mga kalat sa kampus, nagawa niya ring mapagtagumpayan ito.
Bagamat madalas ay tahimik, ang presensya ni Kuya Victor ay nagpapakita ng di-mabilang na pagsasakripisyo at malasakit. Siya ang nagdadala ng katahimikan at kaayusan sa gitna ng isang abalang pamantasan, isang buhay na patuloy na nagsisilbing halimbawa ng pagmamahal sa serbisyo.
Manibela ng Paglilingkod
Si Benjie Ternora, 46, residente ng Brgy. Bliss Village sa Lungsod ng Ilagan ay isang drayber ng unibersidad. Sa araw-araw, tangan niya ang responsibilidad bilang tagapaghatid ng mga kawani at mag-aaral sa kanilang mga destinasyon.
Bago pa man napadpad sa kampus, naging drayber muna si Kuya Benjie ng mismong pangulo ng unibersidad na si Dr. Ricmar P. Aquino sa loob ng anim na taon. Sa panahong iyon, napatunayan niya ang kanyang kasipagan at pagpupursigi sa trabaho.
Ayon sa kanya, naging maayos at magaan ang kanyang serbisyo dahil sa maganda at makataong pagtrato sa kanya ng pangulo. Hindi lamang siya itinuring bilang isang empleyado; higit pa roon, kapatid ang naging tingin sa kanya ni Dr. Aquino.
Malaki rin ang ginagampanan ni Kuya Benjie sa pagpapanatili ng maayos na sirkulasyon sa loob kampus. Siya ang nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa iba’t ibang mga kampus, dahil bukod sa mga kawani at mag-aaral na kanyang inihahatid, tinitiyak niya rin na ang mga mahahalagang dokumento ay naihahatid nang ligtas at nasa tamang oras sa kanilang mga patutunguhan. Sa bawat biyahe, lulan niya hindi lamang ang mga dokumento kundi pati na rin ang tiwala ng buong komunidad ng kampus.
“Tuwing may ipinapadala sa amin na ganyan [papel] sa iba-ibang campus natin dito sa ISU, kailangan nating ingatan kasi ‘pag nawala ‘yun, kami naman ang kawawa,” saad ni Kuya Benjie.
Sa kabilang banda, kung kita ang pag-uusapan, batid ni Kuya Benjie na kabilang siya sa mga empleyado ng pamantasan na may pinakamababang natatanggap na sahod. Gayunpaman, sa kabila ng kakapusan, nananatili siyang kuntento at nagpapasalamat dahil sapat pa rin ito upang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Subalit, hindi lamang niya pinangangalagaan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga mahal sa buhay, kundi nagagawa rin niyang tulungan ang iba. Sa katunayan, siya ang tumatayong katuwang sa pag-aaral ng kanyang pamangkin na kasalukuyang nasa Iloilo. Ang kanyang pagiging bukas-palad ay patunay ng isang pusong handang magsakripisyo para sa kapakanan ng pamilya at mga mahal sa buhay, anuman ang hamon ng buhay.
Gamit ang manibela bilang kanyang pangunahing kasangkapan, ipinapamalas ni Kuya Benjie ang kanyang husay at dedikasyon sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Sa bawat pagliko at pagpihit ng manibela, dala niya hindi lamang ang bigat ng responsibilidad, kundi pati na rin ang pangarap at pag-asa ng mga taong kanyang pinaglilingkuran. Sa pamamagitan ng simpleng manibela, nagiging kasangkapan siya ng pagbabago, patuloy na nagsisilbing tulay para sa maayos na serbisyo at koneksyon ng komunidad ng unibersidad.
Haligi ng Dedikasyon
Isa naman si Bernardo Nicolas o Kuya Boy, sa mga nagsisilbing haligi ng Administration Building ng ISU-I. Hindi alintana ang pagod o oras, si Kuya Boy ang patuloy na nag-aaruga sa bawat sulok ng mga opisina sa buong gusali.
Halos lahat ng oras ni Kuya Boy ay inuukol niya sa kanyang trabaho sa paaralan. Aniya, kaunting oras na lamang ang natitira para sa kanyang pamilya sa bahay.
Sa kabila nito, ginagawa niya ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang tatlong anak, na lahat ay umaasa sa kanya. Dalawa sa kanila ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa parehong pamantasan kung saan siya nagtatrabaho na kung papalarin ay magtatapos na ngayong taon. Ang isa ay kumuha ka ng kursong Bachelor of Science in Civil Engineering samantalang ang isa naman ay Bachelor of Secondary Education in English.
Patunay si Kuya Boy na maliit man ang kita, basta’t marunong magtipid at magpahalaga sa bawat sentimo, ay kayang mapagkasya para sa pangangailangan ng pamilya. Sa kanyang diskarte at sipag, naitataguyod niya ang kanilang araw-araw na buhay, pati na rin ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
“Kahit kulang, nag-pro-provide ang Panginoon para matustusan ‘yung pag-aaral ng aking mga anak,” pahayag ni Kuya Boy.
Mahal na mahal umano ni Kuya Boy ang kanyang trabaho, at ito ay makikita sa kanyang mga gawaing higit pa sa inaasahan. Isang patunay nito ang nangyari matapos ang pananalasa ng isang bagyo, kung saan nag-iwan ito ng bakas ng kalat at pagkasira sa pamantasan. Sa kabila ng hirap at panganib, pinili pa rin niyang pumasok sa loob ng dalawang araw upang tumulong sa paglilinis at pagpapanumbalik ng kaayusan. At ang mas kahanga-hanga, ginawa niya ito kahit walang karampatang sahod para sa mga araw na iyon.
Para kay Kuya Boy, ang kanyang tungkulin ay hindi lamang isang trabaho kundi isang responsibilidad na kanyang buong pusong ginagampanan.
Sina Kuya Victor, Kuya Benjie, at Kuya Boy ay isang huwaran ng dedikasyon, pagsusumikap, at walang pag-iimbot na pagmamahal para sa kanilang pamilya at trabaho. Ang kanilang kwento ay nagsisilbing paalala na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa laki ng sahod kundi sa lawak ng sakripisyo at puso na ibinubuhos sa bawat gawain.
Ang kanilang walang humpay na dedikasyon ay hindi matatawaran, at kahit hindi sila palaging nakikita, ang kanilang halaga ay hindi maaapula. Sila ang tahimik na mga bayani sa loob ng kampus.
Recent Posts