Jan 15, 2026
--:--
--:--
--°

Buhay ng mga Hindi Nakikitang Bayani

T
Author
The Newsette
September 11, 2025
11:15 PM
Buhay ng mga Hindi Nakikitang Bayani

Bagamat hindi pa man nagsisimula ang klase, makikita na kung gaano kaabala ang mga kawani ng paaralan. Ginagawa ang kani-kanilang tungkulin upang maihanda ang lahat bago pa man magsimula ang klase. Dagsaan diin ang mga kapwa ko estudyante upang makapag-enroll sa takdang araw na naitalaga sa kanila.

Habang binabaybay ko ang daan patungo sa mga nakahilerang kainan, isang nakangiting ale ang pumukaw ng aking atensyon. “Kailan ang pasukan niyo, neneng?” Sambit niya nang hindi pinuputol ang tingin sa akin habang patuloy na tinatakpan ang kanyang mga panindang ulam na halos hindi pa nababawasan.

Sinagot ko ang kanyang tanong at ngumiti siya sa akin kasabay ng kanyang pagpapasalamat. Nakangiti man ay ramdam ko ang kanyang panghihinayang sa mga panindang hindi naibenta at dama ko rin ang kanyang pagnanais na sana ay magsimula na ang klase upang muling magbukas ang oportunidad na kumita ng salapi at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa bawat araw, kinakaharap ng karamihan ang kahirapan. Isa sa mga sanhi nito ay ang hirap sa paghahanap ng hanap-buhay. Sa kabila ng mga pagsubok, ang mga tao ay patuloy na nagsusumikap upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Kabilang na rito ang kuwento ni Aling Tindera at ng mga taong nakasandal sa paaralang Isabela State University-Ilagan Campus na nagsisilbing kanilang hanap-buhay.

𝐏𝐚𝐧𝐝𝐚𝐲 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐥𝐢𝐧𝐢𝐬𝐚𝐧

Si Kuya Ben ay isa sa mga janitors ng pamantasan. Mahigit apat na taon na siyang nagbibigay serbisyo sa kampus. Siya ay may asawa at dalawang anak. Malawak ang sakop na kaniyang nililinisan araw-araw. Mula sa Dyimnasyum, gusali ng College of Nursing, Industrial Technology, at maging ang laboratoryo ng Physics. Nagsisimula ang kaniyang trabaho alas-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Ayon sa kanya, kapag Sabado at Linggo na wala siyang trabaho sa paaralan, suma-sideline siya bilang isang construction worker, at kahit anong trabaho pa yan ay kanyang papasukin matugunan lamang ang kakulangan sa kaniyang sahod bilang isang janitor. Gayunpaman, mapapansin kay kuya Ben ang kanyang pagiging masayahin kahit pasan ang responsibilidad bilang ama at asawa.

“Enjoy naman ako rito kahit makulit yung mga bata, makalat, pero trabaho naman namin yun.” sambit niya nang nakangiti at medyo natatawa pa. “Maayos yung pakikitungo ng mga nakakataas rito, hindi naman sila nakakalimot sa mga mabababa. Lalo na rito sa nursing” dagdag niya.

Bagamat hindi kampilan ang armas niya kagaya ni panday, siya ay nagsisilbing bayani ng paaralan bitbit ang kanyang walis at mop na naglalayong panatilihin ang kalinisan, tinitiyak na maaliwalas ang paligid upang matiwasay na makapag-aral ang mga estudyante at gayundin para sa mga kawani ng ISU.

𝐖𝐨𝐧𝐝𝐞𝐫 𝐖𝐨𝐦𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐑𝐞𝐬𝐭𝐚𝐰𝐫𝐚𝐧

“Nakapagpabahay ako dahil sa business na ito. Noong una, tatlo ang tricycle namin. Yung dalawa, pinang-invest namin sa lupa, at yung pangatlo, pinampagawa namin ng bahay. Lahat yun napundar ko sa pagtitinda.” salaysay ng ginang.

Siya si Tiita Aida, isang tindera sa labas ng paaralan. Nag-umpisa siyang magtinda sa harap ng ISU-I noong dalaga pa siya, dalawampu't apat na taon na ang lumipas. Ngayon, siya ay apatnapu't limang taong gulang na at mayroong asawa. Patuloy siya sa pagkakarinderya at pagtitinda ng sari-saring mga produkto gaya ng school supplies, tissue at marami pang iba sa kanyang pwesto. Nagbigay siya ng payo na maganda ang pagnenegosyo kung marunong kang pamahalaan ito.

Naikuwento rin ng ginang na tumigil ang kanilang negosyo noong pandemic at nahirapan silang bumawi.

“Kung wala ang mga estudyante na suki, wala rin, patay rin ang negosyo.” Salaysay ng ginang, idinagdag niya rin na ang magandang pakikitungo sa kaniyang mga suking estudyante at pakikisabay sa mga biruan ay isa sa mga naging susi upang umasenso ang kaniyang negosyo.

Sumasalamin kay Tita Aida ang mga katangian ni Wonder Woman na puno ng determinasyon, diskarte, at tapang na harapin ang mga hamon ng buhay at mapagtagumpayan ang mga ito. Tulad ni Wonder Woman, hindi siya natatakot magsakripisyo at magsimula mula sa simula upang makamit ang mga pangarap para sa kanyang pamilya. Ang kanyang malasakit at walang kapantay na dedikasyon sa pagnenegosyo ay nagpapakita ng kanyang kahanga-hangang lakas, hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi pati na rin sa kanyang fighting spirit.

𝐂𝐚𝐩𝐭𝐚𝐢𝐧 𝐁𝐚𝐫𝐛𝐞𝐥 𝐬𝐚 𝐋𝐢𝐤𝐨𝐝 𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐧𝐢𝐛𝐞𝐥𝐚

Imbes na barbel, sa manibela ang mahigpit na kapit niya. Sa kabila ng mga pagsubok at hamon ng buhay, si Mang Roger ay patuloy na humahawak sa manibela ng kanyang tricycle, hindi para mag-ehersisyo, kundi para maghanapbuhay at sustentuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa bawat pagpihit ng manibela, nagsisilbing gabay ang kanyang sipag at tiyaga upang makaraos sa araw-araw.

Si Mang Roger ay apatnapu’t siyam na taong gulang at tubong Barangay Tangcul, Lungsod ng Ilagan,Isabela. Siya ay nagpapasada na sa harap ng pamantasan noon pang taong 2013.

Ayon sa kanya, "Malaki po ang naitutulong ng ISU para sa amin lalo na sa mga kasama kong may pamilya na." Umaabot sa tatlong daang piso ang kinikita nila sa isang araw, ngunit minsan ay hindi ito naaabot. Gayunpaman, mayroon pa rin silang kinikita mula sa parkingan nila na byaheng baryo.

"Pero mas mahina ngayon, hindi katulad noon na limang piso o walong piso ang pamasahe. Mas madaming sumasakay noon, pero ngayon, madalang na kasi mahal na ang pamasahe, nagmamahal din kasi ang gasolina. Bente pesos na kasi ang minimum ngayon." Salaysay ni kuya Roger. Nabanggit din niya na nag-iba na ng trabaho ang kanyang mga kasabayang tricycle driver noon dahil sa pag-iba ng sistema.

Sa kabila ng pagbabago ng dating nakagawiang pamamasada, pinili pa rin ni Kuya Roger na manatili sa ganitong hanap-buhay. Sa bawat mahigpit at maingat na kabig ng kaniyang manibela, kasabay nito ang isang prinsipyong mapanatili ang kaligtasan ng mga pasaherong nagtitiwala sa kaniya.

𝐒𝐮𝐩𝐞𝐫 𝐈𝐧𝐝𝐚𝐲, 𝐒𝐮𝐩𝐞𝐫 𝐍𝐚𝐧𝐚𝐲

Sa ilalim ng matinding sikat ng araw, tila lumalaban ang bawat hakbang niya, tullak-tulak ang stroller na puno ng meryenda. Matiyagang nagtutulak habang ang likod niyang baluktot at nakakuba na ay patuloy ap rin na humaharap sa matinding init. Ang bawat pag-ikot ng gulong ng kanyang stroller ay nagiging simbolo ng walang sawang pagsusumikap, na para bang ang bawat pasakit ng katawan ay tinatalo ng tibay ng kanyang kalooban.

Siya si Lola Lea o mas karaniwang tinatawag na “Nanay Lea”, 71, residente ng Barangay Osmeña. Tatlumpung taon na siyang naglalako ng mga meryenda sa loob ng ISU-I gamit ang kaniyang stroller na naglalaman ng lumpiang shanghai, lumpiang gulay, turon, at nagyeyelong softdrinks.

Sa pamamagitan ng paglalako, napagtapos niya sa pag-aaral ang dalawa niyang anak at kasalukuyan niyang tinutulungan ang kanyang apo sa pagtustos ng allowance nito.

“Natutuwa ako sa mga bata dahil talagang inaantay nila ako. Kahit anong oras na ako dumadating dun, magmemeryenda pa rin sila kahit nakapagmeryenda na.” Salaysay niya at nagagalak na nagkukwento sa mga karanasan niyang nagpapakita ng kabaitan at pagmamahal ng mga suki niya sa loob ng paaralan.

“Ang mensahe ko sa mga suki kong estudyante ay mag-aral sila ng mabuti dahil mahirap ang buhay ngayon, lalo na ang kumita ng pera.” Payo ni nanay Lea.

Sa paglalako ni nanay, hindi siya tumutubo ng malaki dahil nais niyang makatulong sa mga estudyante na makabili ng mura at sulit na meryenda.

Si Lola Lea ay isang halimbawa ng tunay na Super Inday ng ISU-I. Tulad ng isang bayani, siya ay may malakas na determinasyon at hindi sumusuko sa kabila ng mga pagsubok. Sa ilalim ng matinding sikat ng araw, patuloy niyang tinutulungan ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng meryenda sa paaralan.

Maihahalintulad kay Super Inday, si Nanay Lea ay matapang at matiyaga, ipinapakita ang kanyang malasakit sa mga suki niyang estudyante. Sa kabila ng kanyang edad, patuloy siyang nagsusumikap. Ang kaniyang lakas at tapang ay tunay na nagiging inspirasyon sa mga taong kanyang nakakasalamuha..

Sa loob ng maghapong pakikipaglaban sa pagod at presyon na dulot ng pag-aaral, marami ang nag-aantay ng pagdating niya. Bukod sa pagpawi ng gutom, madarama rin ang pagmamahal at kalinga ng isang ina sa kanyang presensya. Siya si Super Nanay! Ang araw-araw na naghahatid ng lakas at inspirasyon para sa mga estudyanteng nanghihina.

Ang mga bayaning katulad nila ay walang superpowers, ngunit sa kanilang mga simpleng gawain at sakripisyo, sila ay nagiging tunay na inspirasyon sa iba. Ang paaralang ISU-I ang nagsilbing kanilang oportunidad upang maipamalas ang bayaning nakakubli sa loob nila.

Sa kanilang mga sariling paraan, ipinapakita nina Kuya Ben, Tita Aida, Kuya Roger, at Nanay Lea ang tunay na kahulugan ng kabayanihan—hindi kinakailangan ng superpowers, kundi ang tapang, malasakit, at dedikasyon upang magsilbi at magbigay sa kapwa. Hindi man sila makikita sa mga entablado o nagbibigyan ng papuri, ang kanilang mga gawa ay tumatatak sa mga puso ng mga taong kanilang mga nakakasalamuha. Sila ang mga bayaning nagsisilbing paalala na ang kabayanihan ay maaaring matagpuan sa araw-araw na buhay, sa pagtulong, sa pagsusumikap, at sa pagmamahal sa kapwa.

Share this article
Share on Facebook

More in Feature

Recent Posts

Gift

Gift

The Newsette Sep 11
Literary