Anino
Nabasag ang payapang mga mata mula sa mahimbing kong pagtulog
Nakakagimbal, nakakakilabot
Anong sindak nang bigla kong maaninag ang isang pamilyar na anyo
Unti-unti, kumawala ang kanyang mukha mula sa karimlan
Isa pa lang aninong walang kapagurang nagmumulto sa aking kamalayan
Makapitlag-puso, wari’y humiwalay yaong diwa mula sa aking katawan
Hinaplos ko ang kanyang mga kamay,
Hanggang sa ito’y tuluyang lamunin ng dilim,
At dagliang kumalas ang poot sa silid ng aking emosyon
Lumuhod ako't nanalangin,
“Pakiusap! Pakawalan mo na ako mula sa tanikala ng pagkasuklam,
Sapagkat ang puso ko’y wala nang lakas upang magtiis pa sa kanyang pagpapahirap.”
Ano nga ba ang kahulugan ng poot,
Kung pag-ibig ang pinagmulan nito?
Dahil ang apoy na minsa’y nagbigay-tanglaw, siya ring lumamon sa pusong hapo
Ano nga ba ang kahulugan ng pag-ibig?
Kung sa bawat pagtibok ng puso’y may kirot,
Pag-ibig pa rin ba, o poot?
At paano makakamit ang kalayaan,
Kung maging sa pagsikat ng araw at paglitaw ng buwan,
Mukha niya ang siyang nakalikok sa aking mga mata
Ipininid ko ang aking paningin at sinuyod ang lansangan patungo sa kasarinlan
Subalit ang kanyang ngiti’y hamog na bumabalot sa gunita
Hanggang kailan? Kailan ko matatamo ang katahimikan?
More in Literary
Recent Posts