Jan 15, 2026
--:--
--:--
--°

Kapa ng Serbisyo

T
Author
The Newsette
July 12, 2025
3:30 AM
Kapa ng Serbisyo

Kilala ang mga nars na masigasig na nagsisilbi sa loob ng ospital. Suot ang kanilang puting kapa, kadalasan ay umiikot ang kanilang araw sa pangangalaga sa mga pasyenteng may iba't ibang karamdaman. Ngunit paano kaya kung ibang landas ang kanilang tahakin? Isang landas kung saan, sa halip na mga pasyente sa ospital, ay mga mag-aaral ang kanilang hinaharap araw-araw.

Ito ang kwento ni Ma’am Jocelyn Deray Calamiong, na mas kilala ng karamihan bilang Ka-Jo.

Madalas siyang makita sa loob ng klinika, abala sa pagtulong at pag-aasikaso ng mga estudyanteng nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan. Sa loob ng 43 taon, siya ang naging takbuhan nila sa tuwing may iniindang karamdaman.

Si Ka-Jo ay tubong Cabagan, Isabela, at bahagi ng isang pamilya na binubuo ng siyam na magkakapatid. Pinalaki sila ng kanilang mga magulang na parehong nasa larangan ng edukasyon. Ang kanyang ama ay nagsilbing punungguro, habang ang kanyang ina naman ay naging guro sa Cabagan Central School, ang parehong paaralang naging parte rin ng kanyang murang pangarap dahil dito rin siya nagtapos.  

Ang ganitong siste ay nagbigay-daan upang maitanim sa kanya ang pagpapahalaga sa maayos at masigasig na pag-aaral. Sa katunayan, siya ay isang consistent honor student mula pa noong kanyang elementarya hanggang sa pagtatapos ng kanyang high school sa Cagayan Valley Institute of Technology na ngayon ay Isabela State University-Cabagan Campus.

Nang ihakbang niya ang kanyang mga paa sa buhay-kolehiyo, pinili niyang mag-aral sa University of Sto. Tomas. Dala ang kanyang pangarap na magsuot ng puting uniporme, kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Nursing. Subalit, sa hindi inaasahang pangyayari ay dinapuan ng sakit na tumor sa utak ang kanyang ama, dahilan ng kanyang madalas na pagliban sa klase, na nagresulta ng kanyang pagbagsak sa isang asignatura. Kalaunan ay sa murang edad ay naulila na sa ama si Ka-Jo. Gayunpaman, ang mga pagsubok na ito ay hindi naging hadlang upang siya ay magpatuloy sa kanyang pag-aaral.

Minabuti niyang lumipat sa Emilio Aguinaldo College upang makatipid at mabawasan ang gastusin para sa kanyang mga pangangailangan. Sa kabila ng mga hamon, nagpatuloy siya sa kanyang pagsisikap at noong taong 1979, matagumpay niyang natapos ang kanyang kolehiyo.

Taong 1980, nagsimula siyang magtrabaho sa isang pribadong klinika sa Lungsod ng Dagupan, Pangasinan. Ngunit hindi nagtagal ang kanyang pananatili roon dahil nakatanggap siya ng isang tawag mula sa kanyang lolo kung saan, hinihimok siyang bumalik sa Isabela. Ayon sa kanyang lolo, naghihintay sa kanya ang isang magandang pagkakataon, na inihanda sa tulong ng dating Gobernador ng Isabela na si Rodolfo Bagunu Albano, Jr. Ito ay naging daan upang simulan niya ang isang bagong kabanata sa kanyang karera sa Isabela State University – Ilagan Campus.

Sa kanyang mahabang paglilingkod sa pamantasan, hindi lamang siya naging takbuhan ng mga mag-aaral sa kanilang pangangailangang medikal, kundi naging tagapagtanggol din ng mga mag-aaral. Siya ang naging tinig ng mga estudyanteng binabaliwala ng iba ang kanilang mga kurso.

“Meron din ako noong mga tinutulungan na mga estudyante ‘pag may mga problema sila, ako yung nagtatanggol sa kanila ‘pag meron yung teacher na minamaliit sila,” pahayag niya.

Ang kanyang malasakit ay nagbigay lakas at pag-asa sa mga mag-aaral na minsan ay nakadama ng panghihina. Ito ang nagbigay-pinto upang mas lalo siyang mahalin ng mga estudyante at mga kasamahan niya sa trabaho.

Isang patunay si Gng. Malou Bautista, ang budget officer ng ISU-I at kaibigan ni Ka-Jo, sa tapat na serbisyo at pagmamahal na inialay niya sa kanyang trabaho. Ayon sa kanya, siya ang naging sandalan nila sa tuwing sila’y may nararamdamang sakit o dinadalang problema. Sa simpleng pag-check lamang niya ng kanilang blood pressure sa klinika, nagiging magaan na ang pakiramdam nila. Bagamat simpleng gawain lamang, ang kanyang maalalahaning pag-aalaga at mabilis na pagtugon sa pangangailangan nila ay nagiging isang mabisang lunas sa kanila.

Subalit, tulad ng lahat ng anumang bagay sa mundo, bawat simula ay may katapusan. Pagkatapos ng mahabang panahon ng tapat na paglilingkod, dumating din ang araw na kailangang magpaalam ni Ka-Jo sa kanyang tungkulin. Nito lamang Setyembre 25, 2024, opisyal nang nagtapos ang kanyang paglalakbay bilang tagapag-alaga ng kalusugan sa pamantasan.

“Wala na kaming pupuntahan sa clinic kung may dinaramdam kami, may problema kami, pagdating naming sa clinic sabi mo, magpa-BP muna kayo. Kaya after BP, pinapameryenda mo kami, then paglabas namin, ok na kami,” saad ni Gng. Malou.

Isang kabanata ng kanyang buhay ang isinara, marami mang nalungkot sa kanyang paglisan sa pamantasan, ngunit iniwan niya ang isang pamana ng malasakit, inspirasyon, at pagmamahal.

Hindi man niya suot ang puting kapa ng isang nars na karaniwang matatagpuan sa loob ng ospital, ang kanyang malasakit at dedikasyon ang nagsilbi niyang marka at patuloy na mag-iiwan ng bakas sa puso ng mga mag-aaral at kasamahan na kanyang inalagaan, inaruga, at minahal sa loob ng maraming taon.

Sa kanyang pagreretiro, ang pamantasan ay hindi lamang nagpapasalamat kundi nagbibigay-pugay sa isang buhay na inialay sa serbisyo. Si Ka-Jo, signing off.

Share this article
Share on Facebook

More in Feature

Recent Posts

Gift

Gift

The Newsette Sep 11
Literary