Hagupit ng Mapang-aping Tingin
“Parating na siya! Tahimik na nagmamasid ngunit nanlilisik ang mga mata.
Mababagabag ang sinumang malalampasan ng mapang-api niyang mga tingin.”
Kristine. Leon. Marce. Nika. Ofel. Mga pangalang nagkalat saan mang sulok ng social media
nitong mga nakaraang linggo. Sentro ng usapan sa telebisyon maging sa radyo na tila mga
artistang may bagong pelikula o hindi kaya mga manlalarong nakasungkit ng gintong
medalya.
Ngunit malayo rito ang tunay na dahilan, hindi ito mga artista o mga manlalarong nagwagi sa isang prestihiyosong patimpalak. Mga pangalan ito ng mga bagyong naghasik ng takot at
pangamba sa Hilagang Luzon sa loob lamang ng tatlumpung araw.
Sa tuwing humahagupit ang bagyo, tila tinatanggalan nito ang mga taong nasa laylayan ng
karapatang makapaghanapbuhay. Ang umaga'y nagiging madilim; ang hangin, mapang-api
at tila sumisigaw sa galit. Bawat buhos ng ulan ay tila martilyong humahampas sa mga
pinagtagpi-tagping bubong. Ngunit sa gitna ng dilim at ingay ng unos, umuusbong ang
kwento ng katatagan.
KALMADONG MATA
Sabi nila ang mata raw ng bagyo ang pinaka-kalmado sa lahat ng bahagi nito, hindi
kalakasan ang hangin at wala ring dalang ulan. Ngunit sa kabila ng mahinahon nitong
presensya, nagkukubli ang mabangis nitong pananalasa.
Sa limang bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula October 21
hanggang November 11, apat rito ang direktang dumaan sa bansa. Bagamat kilala ang
Pilipinas bilang bansang may pinakamaraming pumapasok na bagyo, hindi parin maiwasang
magulumihanan ang maraming Pilipino sa sunod-sunod na pagbisita ng mga bagyo sa
bansa.
Binigyang diin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services
Administration o PAGASA na hindi unusual o hindi na bago para sa bansa ang ganitong
pangyayari. Sa katunayan daw, noong 1951 umabot pa raw sa pito ang tumamang bagyo sa
kaparehong buwan at anim naman noong 1948.
Ngunit kung ang US-based National Aeronautics and Space Administration o NASA ang
tatanungin, kakaiba ang pangyayaring ito. “In an unusual sight, four storms churned
simultaneously in the Western Pacific Ocean in November 2024,” sinabi ng NASA
pagkatapos ibahagi ang satellite image na nagpapakita ng mga bagyong nakapila sa
western Pacific noong Nobyembre 11.
Mahinahon man ang sentro ng bagyo, tiyak na ang mga taong apektado ay kabaliktaran ang
nararamdaman. Matinding takot at pangamba ang namumutawi sa kanilang isipan sa bawat
patak ng ulan. Takot sa mga posibleng mangyari at pangamba sa mga buhay na maaaring
mawala sa kabila ng kalmado nitong mga mata.
NANLILISIK NA TINGIN
Ang Hilagang Luzon ay binubuo ng 3 rehiyon: Ilocos Region, Cordillera Administrative
Region (CAR) , at ang Lambak ng Cagayan. Agrikultura ang pangunahing kabuhayan sa
bahaging ito ng Pilipinas kaya ang sektor na ito rin pinaka-apektado tuwing nanalasa ang
bagyo. Sa katunayan, sa ulat ng Department of Agriculture pumalo sa 3.11 billion ang
pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa agrikultura.
Kung ang magsasakang si Andres Agustin, ng San Vicente, Tumauini, Isabela, ang
tatanungin, malaking dagok para sa kanila ang sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo.
Bukod sa mga nasirang pananim, apektado rin ang kalidad ng mga palay na kanilang naani.
Nangitim ito dahil sa walang humpay na pag-ulan, na naging dahilan ng mababang presyo
pagdating sa merkado. Ang dating naibebenta ng 23 pesos, ngayon ay pumatak na lamang
ng 12 pesos kada kilo. Hindi mapigilang manlumo ni Kuya Andres nang malamang ito na
lamang ang halaga ng ilang buwan niyang pagod.
“Luging-lugi.” Ganito kung ilarawan ni Kuya ang naging estado ng kanilang hanapbuhay
matapos salantain ng sunod-sunod at walang patid na mga bagyo. Umabot sa 120,000
pesos ang naging puhunan sa limang ektaryang tinamnan, ngunit pumalo lamang sa 70,000
pesos ang bunga ng kanyang pagsisikap.
“Inutang pa ang mga abono na ginamit dito at hindi naging sapat ang kita sa ani upang
makapagsimula muli,” wika niya habang pinupunasan ang tumatagaktak nitong pawis.
Bukod sa malawakang pinsala sa agrikultura, apektado rin ang maraming pamilya dahil sa
patuloy na pagbuhos ng mga ulan. Marami ring mga kalsada at tulay ang hindi madaanan
dahil sa umapaw na tubig at natumbang mga puno.
Matapobre ang bagyo; parating ang mga nasa laylayan ng lipunan ang nagiging biktima—na
ang pagbuhos ng ulan ay nangangahulugan lamang na isa sa kanilang mga paa ay nasa
hukay na. Ang kanilang mga buhay at hanapbuhay ay walang kasiguraduhan, sapagkat ang
bagyo ay walang habas at walang pakialam. Kung matititigan ang kanyang mga mata
makikitang nanlilisik iito habang sinasalanta ang mga mahihina’t walang laban.
BANAAG NG PAG-ASA
Sa kabila ng lahat, hindi parin maikakaila na nabubuhay rin ang espirutu ng bayanihan sa
mga Pilipino tuwing may mga kalamidad kagaya nito. Maraming Non Government
Organizations (NGOs) ang naging kabahagi ng maraming relief operations. Maraming
indibidwal din ang nagpaabot ng kanilang mga tulong, online man o sa personal.
“Sa ngayon, sinusubukan naming bumangon at mangutang muli upang may
maipampuhunan,” puno ng pag-asang sambit ni Kuya Andres, na parang pinanghahawakan
ang liwanag sa kabila ng mapait nitong danas.
Mababanaag sa kanyang mukha ang kagustuhang iahon muli ang sarili mula sa
pagkakalugmok. Naniniwala siya na, bagamat malaki ang kanilang pagkatalo sa nakaraang
cropping, hindi doon tumitigil ang buhay, at lalong hindi rito titigil ang hanapbuhay na
nagpapakain at nagpapaaral sa kanyang mga anak.
Ang kuwento ni Kuya Andres ay isang patunay ng katatagan ng mga Pilipino sa harap ng
pagsubok. Sinasalamin nito ang kakayahan ng bawat isa na bumangon mula sa
pagkakasadlak, iangat ang sarili, at muling salubungin ang isang bagong umaga na puno ng
pag-asa.
BUTIL NG PAWIS
“Heto na siya! Tahimik na nagmamasid ngunit nanlilisik ang mga mata. Mababagabag
ang sinumang malalampasan ng mapang-api niyang mga tingin.”
Andres Agustin. Hindi ito pangalan ng artistang may bagong pelikula o atletang nag-uwi ng
gintong medalya, ngunit pangalan ito ng isang magsasakang walang ibang hinangad kundi
mabigyan ng masaganang buhay ang kanyang pamilya.
Agrikultura at milyon-milyong magsasaka ang pinaka-apektado tuwing humahagupit ang
bagyo. Sila ang tampulan ng pinsala at ng galit ng kalikasan. Ang bawat butil ng bigas sa
ating hapag, ay bunga ng kanilang walang katapusang sakripisyo at pagtitiis.
Kristine. Leon. Marce. Nika. Ofel. Sa bawat hagupit ng bagyo, tila pati kalikasan ay nagiging
mapang-api, wari’y hinahamon ang kakayahan at katatagan ng mga nasa laylayan. Ngunit
para kay Kuya Andres at sa iba pang magsasaka, ang bawat butil ng pawis na tumulo ay
hindi lamang tanda ng kanilang hirap, kundi ng walang kapantay na lakas ng loob at hindi
matatawarang pagpupursige. Ito’y paalala na sa kabila ng hagupit ng mapang-aping tingin
laging may liwanag na sumisikat para sa mga taong walang kupas ang pagsisikap.
More in Feature
Kapa ng Serbisyo
Recent Posts