POGO: PUGAD NG SINDIKATO
Nitong Hulyo lamang ng taong kasalukuyan nang pormal na ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang kumpletong pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) bilang tugon sa patuloy na pagdami ng mga krimen, panloloko, at iba pang ilegal na aktibidad na nauugnay sa industriya. Bagamat may mga nagsusulong ng mga posibleng epekto ng pagbabawal, malinaw na ang pagtatapos ng POGO ay isang kinakailangang hakbang para sa pangmatagalang kaayusan at kaligtasan ng lipunan.
Ang POGO ay mga kumpanya na rehistrado sa Pilipinas at nagbibigay ng online na serbisyo sa pagsusugal, ngunit ang kanilang mga kliyente ay nasa ibang bansa. Nag-aalok ito ng casino games, sports betting, at iba pang online gambling services na pangunahing naka-target sa mga banyagang manlalaro, lalo na sa mga bansang tulad ng Tsina, kung saan ilegal ang ganitong uri ng pagsusugal. Dahil dito, nagsimulang magsulputan ang mga POGO sa Pilipinas matapos ipagbawal ang mga ito sa ibang bansa.
Noong 2016, sinimulang pangasiwaan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang POGO sa ilalim ng administrasyong Duterte, kung saan inendorso pa ng dating Pangulo ang operasyon ng nito, sa paniniwalang malinis at makikinabang ang bansa sa mga ito. Subalit, sa kabila ng mga benepisyong inaasahan, naging pugad ng mga sindikato ang mga POGO, na nagdulot ng iba't ibang uri ng krimen tulad ng scam, human trafficking, prostitusyon, at money laundering. Ang mga raid sa mga POGO hubs sa Bamban, Tarlac, at Porac, Pampanga ay nagpatunay sa lawak ng mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa industriya. Ang ganitong pang-aabuso ay hindi na maaaring palampasin, at kinakailangan nang agarang aksyon upang maprotektahan ang bansa.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), patuloy pa rin nilang pinapalakas ang kanilang hakbang laban sa mga ilegal na POGOs na nagpapatuloy pa rin sa kanilang operasyon, kahit na pormal nang ipinahinto ng Pangulo ang operasyon nito. Gayunpaman, sinisigurado ng PAOCC na susunod sila sa kautusan ng Pangulo na matigil ito sa pagtatapos ng taon. Sa sitwasyong ito, mahalaga ang pagpapalakas o pagpapahusay ng mga polisiya upang hindi na muling sumulpot ang mga industriya tulad ng POGO, legal man o ilegal at siguruhing mananagot ang lahat ng mga sangkot sa mga krimeng kaugnay nito.
Sa kabilang banda, nagbabala ang PAGCOR na magiging malaki ang epekto ng pagbabawal ng POGO sa ekonomiya ng Pilipinas, dahil sa posibleng pagkawala ng trabaho ng 31,000 Pilipinong nagtatrabaho rito. Ayon sa ahensya, umabot sa 5.3 bilyong piso ang kita mula sa POGO noong 2023, at tinatayang tataas pa ito sa 6.5 bilyon hanggang 7 bilyon ngayong 2024. Ngunit ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Finance (DOF), minimal lang ang magiging epekto ng pag-alis ng POGO sa ekonomiya ng bansa. Sa ginanap na 2025 budget deliberation, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na bagaman nagresulta ito sa pagbaba ng presyo ng real estate at office spaces, mas makabubuti para sa bansa na tuluyan nang mawala ang POGO. Dagdag pa ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ang kontribusyon ng POGO ay mas mababa pa sa 1% ng GDP noong 2023, habang ang real estate sector naman ay may 11% lamang na occupancy rate. Ito ay nagpapakita na hindi makabuluhan ang epekto ng paghinto ng POGO sa kabuuang ekonomiya ng Pilipinas.
Tungkol sa mga posibleng epekto sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho, maaaring magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor upang makalikha ng alternatibong trabaho at oportunidad. Maaaring palakasin ang sektor ng Business Process Outsourcing (BPO), renewable energy, at agrikultura. Bukod dito, maaaring maglunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga programa para sa re-training at re-skilling ng mga apektadong manggagawa upang madala sila sa mga bagong industriya. Ang mga insentibo sa mga lokal at dayuhang kumpanya na magdadala ng trabaho sa Pilipinas ay makakatulong din upang mapagaan ang epekto ng pagtigil ng POGO.s
Sa kabuuan, ang pagpapatigil ng operasyon ng POGO ay makatutulong upang matuldukan ang mga karahasang kaugnay nito. Isa itong sakripisyo na magdudulot ng mas malawak na benepisyo. Sa huli, hindi matutumbasan ng pansamantalang kita ang halaga ng kaligtasan at dignidad ng bawat Pilipino. Dapat kumilos ang gobyerno, pribadong sektor, at ang bawat isa upang tuluyang mawasak ang mga pugad ng sindikato at matiyak ang mas malinis at mas ligtas na kinabukasan ng bayan.
Recent Posts