Earth Kingdom, Hakot ang Anim na Ginto sa Table Tennis Finals 2025
Walang nakapigil sa Earth Kingdom matapos nitong dominahin ang Isabela State University–Ilagan Intramurals Table Tennis Finals 2025, umuwing may anim (6) na gintong medalya noong Oktubre 9 sa ISU–Ilagan Gymnasium.
Sa kabila ng matinding kumpetisyon mula sa ibang koponan, nagtala ang Earth Kingdom ng 3–1 panalo sa halos lahat ng laban at 3–0 sweep sa Men’s Singles B, dahilan upang tuluyang masungkit ang kabuuang kampeonato. Samantala, nagtapos bilang first runner-up ang Fire Nation na may anim na pilak, sinundan ng Air Nomad sa ikatlong puwesto, at Water Tribe sa ikaapat na ranggo.
Pinangunahan ni Osmund Miranda ang unang sagupaan sa Mixed Doubles Finals kasama si Isabel Balaguer. Sa simula pa lang, ipinamalas ng duo ang kombinasyon ng matitinding palo at matatalas na serves na nagpahirap sa depensa nina Kendrick Lucas at Angela Belarmino ng Fire Nation. Bagamat natalo sa unang set, 9–11, agad nakabawi ang Earth Kingdom at tuluyang bumawi sa tatlong sunod na set, 11–2, 11–5, 11–4, para makuha ang unang gintong medalya.
Kasunod nito, nagharap sa Women’s Singles A sina Isabel Balaguer ng Earth at Elisha Lucas ng Fire Nation sa isang dikit na laban. Sa kabila ng pag-arangkada ng Fire sa unang set, mabilis na naka-adjust si Balaguer at ginamit ang kanyang kontrol at consistency upang makabawi. Sa huli, nanaig si Balaguer sa iskor na 9–11, 13–11, 11–4, 11–9, dahilan upang makamit ang ikalawang panalo ng Earth Kingdom.
Bago pa man ang laban sa Women’s Division, nagpalitan ng maiinit na rallies at mapanlinlang na spins sa Men’s Singles A sina Luis Angeles (Earth) at William Miguel II (Fire). Kapwa nagpakitang-gilas ang dalawang manlalaro, ngunit sa huli, nakamit ni Angeles ang panalo matapos samantalahin ang serye ng unforced errors ng kanyang kalaban.
“Sa tingin ko na-execute ko nang maayos ‘yung mga sinanay kong basics at fundamentals ng laro. Sobrang dami ring errors, pero natutuwa ako kasi nakita ko kung ano pa ‘yung dapat kong baguhin. Malaking tulong talaga ‘yung suporta ng buong team namin at ng org. Kung wala sila, siguro hindi ko rin makukuha ‘yung tamang strategy. Naghanda rin ako sa pamamagitan ng pakikinig sa mga payo ng coach at consistent na pagsasanay ng basic techniques,” pahayag ni Angeles matapos ang laban.
Hindi rin nagpahuli sina Mark Delos Santos (Men’s Singles at Claire Castillo (Women’s Singles na kapwa nagtala ng panalo laban sa mga kinatawan ng Fire Nation. Si Delos Santos ay nagtala ng 11–6, 11–8, 11–7, habang si Castillo naman ay nanaig sa 11–6, 11–4, 6–11, 11–9, na lalo pang nagpataas ng puntos ng Earth Kingdom sa medal tally.
Sa huling laban ng araw, muling pinatunayan nina Osmund Miranda at Raphael Arban ang kanilang tibay at chemistry sa Men’s Doubles Finals. Sa kabila ng mainit na palitan ng tira sa ikatlong set, nagwagi ang Earth Kingdom sa apat na set, 11–5, 11–7, 10–12, 11–6, na nagselyo sa kanilang ika-anim na gintong medalya at tuluyang nagpatibay sa kanilang kampeonato.
Sulat ni Alcalif Gazzingan
More in Sports
Air swishes the battlefield: Unbeatable Run in MLBB Intramurals 2025
Earth Kingdom whitewashes Fire Nation for Women's MLBB crown, 2-0
Chessmasters Nagpamalas ng Comeback sa ISU-I Intramurals 2025
Recent Posts