Basketball History Rewritten: Dalawang Panalo, Dalawang Kampeon, Isang Epic Showdown
Sa isang makasaysayang laban, dalawang koponan ang nagbigay ng isang palabas na nagpamalas ng pagkakapantay-pantay at katapangan sa basketball court. Ang Air Nomad at Water Tribe ay parehong nagwagi sa isang epic double championship game na tiyak na tatatak sa kasaysayan ng Intramurals 2025.
Salpukan ng depensa at opensa—‘yan ang nasaksihan ng mga manonood sa ginanap na Men’s Basketball Finals noong Oktubre 10. Hindi magkamayaw sa sigawan ang mga taga-suporta ng magkabilang panig habang nagsanib ang init, tensyon, at determinasyon ng dalawang koponan. Sa pagbubukas pa lamang ng laro ay mainit na agad ang tapatan. Hanggang sa mga sumunod na quarter, nanatiling matinik ang Water Tribe gayundin ang Air Nomad, walang gustong magpahuli at parehong sabik makamit ang tropeo.
Mula sa unang tip-off hanggang sa huling buzzer, bawat possession ay naging laban para sa karangalan. Sa isang kamangha-manghang performance, pinangunahan ni Dean Nabong ang Air Nomad sa kanilang tagumpay matapos magtala ng pinakamataas na iskor sa laro na may 18 puntos, 2 rebounds, at 3 steals. Ang kanyang matalim na shooting, mabilis na opensa, at solidong depensa ang naging sandigan ng kanilang koponan. Mula sa mga 3-point shots hanggang sa mga quick drives sa basket, tila hindi mapigilan si Nabong na nagpakita ng all-around play sa loob ng court.
“Limited man ang preparation, pero may tiwala kami sa sarili at sa isa’t isa. After ng first game, nag-adjust kami at nag-focus sa defense. Sa close game, nag-focus lang kami at nanatiling composed. Teamwork at communication ang naging susi para makontrol ang tempo at makuha ang important points,” ani Nabong.
Hindi lang si Nabong ang nagpakitang gilas, kundi ang buong Air Nomad. Sa mga crucial moments ng laro, ipinamalas nila ang mahusay na teamwork at chemistry, dahilan upang makuha nila ang panalo sa kabila ng matinding presyur.
Ngunit hindi rin nagpahuli ang Water Tribe. Pinangunahan ni Jayce Asuero ang kanilang koponan sa isang matinding laban matapos magtala ng 17 puntos at 4 rebounds. Sa kabila ng kakulangan sa oras ng paghahanda, ipinakita ng kanilang team ang disiplina at dedikasyon sa bawat possession. “Nagtulungan kami sa rotations kaya deserving ang panalo. Di man expected, determined pa rin kaming manalo kasi bitbit namin ang pride ng bawat department. Laban ‘to para sa team, hindi lang sa sarili. Habang dikit ang laban, focus lang ako sa goal naming manalo at ma-recognize ang effort ng buong team,” dagdag pa ni Asuero.
Ang laban ay ginanap sa Intramurals 2025 sa Isabela State University–Ilagan, kung saan nagtagisan ng galing ang mga “benders” mula sa iba’t ibang kaharian. Isa ito sa mga pinakaaabangang sports event ng taon, at ang resulta ay hindi lang tungkol sa panalo kundi tungkol din sa diwa ng pagkakaisa at respeto sa laro.
Sa kabila ng matinding kompetisyon, parehong kinilala ang Air Nomad at Water Tribe bilang kampeon. Ipinakita ng laban na higit sa tropeo, ang tunay na tagumpay ay makikita sa pagkakaisa, sportsmanship, at tiwala sa kakayahan ng bawat isa. Ang epikong showdown na ito ay nagsilbing simbolo ng pagkakapantay-pantay at pagkakaibigan sa gitna ng kompetisyon.
Sulat ni Jermaine Masinna
More in Sports
Earth Kingdom, Hakot ang Anim na Ginto sa Table Tennis Finals 2025
Air swishes the battlefield: Unbeatable Run in MLBB Intramurals 2025
Earth Kingdom whitewashes Fire Nation for Women's MLBB crown, 2-0
Chessmasters Nagpamalas ng Comeback sa ISU-I Intramurals 2025
Recent Posts