Dalawang mag-aaral ng ISU-Ilagan, wagi bilang mahuhusay na kabataan ng Isabela
Kinilala ang dalawang mag-aaral mula Isabela State University - Ilagan Campus (ISU-IC) bilang mga natatanging kabataang Isabeleño sa ginanap na 2024 Governor Rodolfo T. Albano III Gawad Ulirang Kabataan (GRTA-GUK) Awards noong Agosto 31, 2024.
Kabilang sina Chester Ivan Lim at Jessica Ibañez, parehong mag-aaral ng naturang paaralan, sa "Ten Outstanding Isabeleño Youth Volunteer (TOIYV)" ngayong taon na iginagawad sa mga kabataan sa lalawigan dahil sa kanilang kontribusyon sa lipunan.
Kaugnay nito, si Lim ay naging pangulo ng College Red Cross Youth Council - ISU Ilagan (CRCY-ISUI) noong 2023 at pinangunahan ang mga proyekto tulad ng Padyak para sa Humanidad, Pagsibol: Punla Para sa Kinabukasan, Project LIPI, Fire Prevention Campaign, at mga bloodletting activity.
Ayon sa kaniyang pahayag, sinabi nitong hindi dapat nagtatapos ang pagsisilbi para sa bayan sa mga parangal bagkus ito ay maging daan pa para sa mas malawak na gawaing makatutulong sa mga mamamayan.
"May we use this platform to inspire others. Our work as youth volunteers doesn't end when we receive the award; instead, may this open up new doors of opportunity for us to expand and strengthen our cause," ani Lim.
Samantala, si Ibañez naman ay nagsilbi bilang isa sa mga miyembro ng Supreme Student Council(SSC) ng ISU-IC at aktibong sumasali bilang volunteer sa mga gawaing isinasagawa ng organisasyon, paaralan, at iba pang aktibidad para sa mga Isabeleño.
Ayon dito, hindi niya lubos akalain ang kaniyang pagkapanalo dahil siya ay hindi tulad ng ibang lumahok sa paghahanap na mayroong malaking posisyon sa isang organisasyon.
"I need to prove to people na I don't need to be in a position para maging outstanding volunteer, kasi volunteerism is helping one another voluntarily without something in return and I believe that I'm helping people voluntarily not for the sake of compliance or anything," ani Ibañez.
Taon-taon namang isinasagawa ang GRTA-GUK kasabay ng pagdiriwang ng linggo ng kabataan nito na pinapangunahan ng Panlalawigang Pamahalaan ng Isabela.
Nilalayon ng naturang programa na bigyang pagkilala ang pagkakaroon ng determinasyon, pagkamalikhain at matiwasay na pamumuno ng mga kabataang Isabeleño.
More in News
ISU-Ilagan, muling nagsagawa ng Book Fair matapos ang apat na taon
𝐈𝐒𝐔-𝐈 𝐬𝐭𝐫𝐞𝐧𝐠𝐭𝐡𝐞𝐧𝐬 𝐠𝐥𝐨𝐛𝐚𝐥 𝐭𝐢𝐞𝐬 𝐰𝐢𝐭𝐡 𝐭𝐡𝐫𝐞𝐞 𝐢𝐧𝐭𝐞𝐫𝐧𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐌𝐎𝐔𝐬
Recent Posts