Jan 15, 2026
--:--
--:--
--°

ISU-Ilagan, muling nagsagawa ng Book Fair matapos ang apat na taon

T
Author
The Newsette
October 14, 2025
8:01 AM
ISU-Ilagan, muling nagsagawa ng Book Fair matapos ang apat na taon

Matapos ang apat na taon, muling nagsagawa ng Book Fair ang Isabela State University-City of Ilagan Campus (ISU-Ilagan) noong Oktubre 14 hanggang 15, 2025 sa Campus Library na pinangunahan ni Campus Librarian Margie Cacal.

 

Layunin ng aktibidad na makapagbigay ng mas malawak na pagpapagamit sa mga bagong aklat at sangguniang makatutulong sa mga mag-aaral at guro sa kanilang pag-aaral at pagtuturo.

 

Ayon kay Cacal, ang proyekto ay upang masuportahan ang bawat kurso ng pamantasan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga guro na pumili ng mga bagong aklat na naaayon sa kanilang mga asignatura.

 

“Within four years ko as Campus Librarian, this is our first Book Fair. Ginagawa namin ito para masuportahan ang mga programa at departamento sa kanilang mga academic needs," ani Cacal.

 

Dagdag pa niya, ang aktibidad ay nagsilbing paraan upang makapili at makapag-procure ng mga bagong libro ang mga guro para sa kanilang klase.

 

“Actually, dito sa book fair, magpo-procure tayo ng mga bagong libro na ang mamimili ay ang mga faculty members natin,” paliwanag ni Cacal.

 

Kaugnay nito, ang Book Fair ay nilahukan ng tatlong pangunahing book suppliers: EESM Bookstore, Great Books Trading, at Belview Co. Inc.

 

Sa mga ito, ang EESM Bookstore ang nagpanukala at lumiham sa naturang paaralan upang maisagawa ang aktibidad.

 

Kilala ang kumpanya bilang supplier ng mga libro, multimedia, dictionaries, general references, at iba pang educational materials.

 

Kasama rin sa mga lumahok ang Great Books Trading, na ayon kay Jess Pinto Rabanez mula sa Sales Department, ay nagsasagawa rin ng mga book fair sa iba’t ibang unibersidad tulad ng ISU Echague Main Campus, Saint Ferdinand College, at NorthEastern College.

 

Samantala, ibinahagi ni Bobby Montanez, Sales Executive ng Belview Co. Inc., na aktibo rin silang nakikilahok sa mga book fair sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) at Technological University of the Philippines (TUP) sa Metro Manila.

 

“So far, ito pa lang ang unang campus sa probinsya na napuntahan namin ngayong taon. Sa susunod na buwan, pupunta naman kami sa Saint Mary’s University sa Bayombong, Nueva Vizcaya,” ani Montanez.

 

Para naman kay Xander Al Cantes, mag-aaral ng Civil Engineering, malaking tulong ang Book Fair upang makahanap ng mga aklat na tumutugon sa kanilang kurso.

 

“Mahilig talaga ako sa libro at gusto ko ring makita kung may mga aklat na related sa program ko. Excited ako kasi chance ito for us na magkaroon ng access sa mga bago at updated na learning materials,” ani Cantes.

 

“Sana i-patronize natin lagi yung mga ganitong activity sa campus, especially conducive yung mga ganitong project para sa social and academic growth natin," dagdag pa nito.

 

Ayon naman kay Architect Jefsie Antonio, propesor sa ISU-Ilagan, naging makabuluhan ang naturang aktibidad para sa parehong mag-aaral at guro.

 

“I saw the poster on the ISU Ilagan page and got curious because it’s my first time seeing a book fair here on campus. I found some architectural books. Although there were only a few, they were all worth purchasing," ani Antonio.

 

Binigyang-diin din niya ang halaga ng mga ganitong proyekto para sa mag-aaral at iba pang gustong magbasa o maghanap ng libro.

 

“I encourage everyone to take advantage of opportunities provided by our university, like the Book Fair. Such events help us broaden our knowledge and keep ourselves informed about current studies, innovations, and global developments,” pagtatapos ni Antonio.

 

Samantala, dinaluhan ang naturang aktibidad ni Engr. Alfonso Simon, Ph.D., Cluster Executive Officer ng ISU-Ilagan, bilang suporta sa mga proyektong pang-akademiko ng campus.

 

Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, layunin ng ISU-Ilagan na mapanatili ang kultura ng pagbabasa at masigurong napapanahon ang mga sanggunian sa bawat programa sa unibersidad.

Share this article
Share on Facebook

More in News

Recent Posts

Gift

Gift

The Newsette Sep 11
Literary