Jan 15, 2026
--:--
--:--
--°

Proyektong LIPI ng CRCY-ISUIC, pinaigting; layunin para sa malinis na tubig at sanitasyon, binigyang halaga

T
Author
The Newsette
September 11, 2025
11:20 PM
Proyektong LIPI ng CRCY-ISUIC, pinaigting; layunin para sa malinis na tubig at sanitasyon, binigyang halaga

Pinagtibay ng College Red Cross Youth - ISU Ilagan Council (CRCY-ISUIC) ang proyekto nitong Leaders for Indigenous Peoples Inclusivity (LIPI) matapos ang isinagawang information drive tungkol sa malinis na tubig at sanitasyon sa mga katutubong mamamayan ng Brgy. Cabisera 10, Siyudad ng Ilagan.

Katuwang ang Philippine Dental Association Isabela–Quirino Chapter (PDA-IQC) at Philippine Red Cross-Isabela Chapter, nagbigay ang CRCY-ISUIC sa mga katutubong mamamayan sa Ilagan ng kaalaman patungkol sa tamang paghuhugas ng kamay, pangangalaga sa kalusugang oral, at mga sakit dulot ng maduming tubig at kung paano ito maiiwasan.

Ayon kay Chester Ivan Lim, pangulo ng naturang organisasyon, batid nitong nangangailangan ang mga Indigenous Peoples (IPs) ng mga serbisyo tulad ng sa pangkalusugan at edukasyon kaya't pinangunahan nito ang pagsasagawa ng proyekto.

"I just thought na health talaga ang kailangan nating i-promote sa kanila[IPs], kaya inilapit namin ang aming serbisyo sa kanila sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng awareness sa Wash, Sanitation, and Hygiene or WASH," ani Lim.

Dagdag pa nito, maiging matutunan ang mga simpleng pangangalaga sa sarili tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo dahil dito nagsisimula ang pagkamit ng magandang kalusugan.

"Naniniwala kami na matatamasa ang magandang kalusugan kahit sa maliit na paraan tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo kaya mabuting nagkakaroon sila ng sapat na kaalaman patungkol dito," ani Lim.

Batay sa datos na inilabas ng United Nations (UN) nitong 2023 sa kasalukuyang lagay ng Sustainable Development Goal (SDG) 6 na tungkol sa malinis na tubig at sanitasyon, 3.6 bilyong katao o 46 porsyento ng kabuuang populasyon sa buong mundo ang nangangailangan pa rin ng maayos at ligtas na serbisyong pang- sanitasyon.

Bukod naman sa isinagawang information drive, nag-abot din ng portable sink at mga antibacterial soap sa naturang komunidad ang CRCY-ISUIC sa tulong ng mga donasyon.

Nagbigay din ang katuwang nitong PDA-IQDC ng mga dental kit, school supply, basurahan, at pagkain para sa 50 na mga IP sa lugar.

Ayon kay Lim, makatutulong ang mga ibinigay nilang kagamitan sa mga IPs upang panatilihin ang kalinisan sa tubig at sanitasyon kasama na rin ang kaalamang ibinahagi nila.

"Sustainability and healthcare yung aming goal na ma-provide sa ating mga Agta. Isa pa ay yung kits na ni-distribute namin," ani Lim.

Samantala, nauna nang nagkaroon ng dalawang aktibidad ang naturang organisasyon sa proyektong LIPI nito.

Noong Dec. 31, 2023, isinagawa ng CRCY-ISUIC ang "Pagmamahal, Pagpapasaya, at Pagkakaisa para sa Kabataan at Kapatid na Agta" sa Sitio Tupa, San Vicente, San Pablo, Isabela na kung saan 45 katao ang natulungan.

Nagkaroon din ng information drive tungkol din sa WASH noong Marso 1 para sa mga mag-aaral na IPs ng Manuel R. Moldero, Sr. Elementary School sa Tumauini, Isabela na kung saan umabot ng 150 ang natulungan nito.

Kaugnay nito, taon-taon ginagawa ang mga proyekto na naglalayong tulungan ang mga katutubong mamamayan na nangangailangan ng serbisyo.

Inaasahan ding magkakaroon ng aktibidad ang Local Government Unit (LGU) ng Ilagan para sa mga IPs sa Capellan, Ilagan na kung saan imbitado ang naturang organisasyon.

Share this article
Share on Facebook